Ang salitang Flores ay nagmula sa salitang Espanyol na ang ibig sabihin ay “bulaklak”. Ang mga Espanyol rin ang nagpakilala sa ating mga Pilipino ng pagdiriwang na ito kung kaya ito ay naging bahagi na ng ating kultura. Ang buwan ng Mayo ay tinawag na buwan ng mga bulaklak dahil sa panahong ito namumukadkad ang samu’t saring bulaklak sa bansa.
Sa Katagalugan ang pagdiriwang na ito o kaugalian ay nagsimula pagkatapos ng proklamasyon ng Dogma ng Inmakulada Konsepsyon noong 1854 at ito ay inilathala noong circa 1867 ni P. Mariano Sevilla. Ang pag-aalay ng mga bulaklak kay Maria ay tinatawag na “Alay kay Maria” o Flores de Maria bilang pagpaparangal sa ating Mahal na Ina. Ang debosyong ito para kay Maria ay patuloy pa ring isinasagawa hanggang sa ngayon. Sa mga simbahang Katoliko ng Pilipinas ang pagdiriwang ng Flores de Mayo ay isinasagawa sa buong buwan ng Mayo. Bukod sa pag-aalay, isinasagawa din sa okasyong ito ang pagdarasal ng santo rosario at pag-awit sa Mahal na Ina.
Pagpupu-prusisyon ng imahen ng Mahal na Birheng Maria
Ang pagdiriwang ng Flores de Mayo ng ating mga ninuno noong araw ay isa ring pasasalamat para sa pagdating ng ulan mula sa matagal na tag-tuyot; pinaniniwalaan nilang ang ulan ay biyayang dulot ng Mahal na Ina. Sa tuwing sasapit ang kinahapunan ang mga tao ay nagsasama-sama at nagdarasal ng santo rosario at nag-aalay ng mga bulaklak. Pagkatapos nito ay piangsasaluhan nila ang kanilang mga dalang pagkain. Ang mga bata at matanda ay umaawit at sumasayaw bilang pagsalubong sa masaganang ulan na magbibigay ng tubig sa kanilang mga pananim. Buong buwan ng Mayo ang pagdiriwang na ito, at sa huling araw ng buwan isinasagawa ang prusisyon ng Santacruzan.
Malaki ang pagkakaugnay ng Flores de Mayo sa Santacruzan. Sa Santacruzan ipinapakita o inilalarawan hindi lamang ang karakter ni Reyna Elena at ng kanyang anak na si Constantino kung hindi pati na rin ang mga karakter sa Bibliya lalo na ang iba’t-ibang katauhan na sumisimbolo sa Mahal na Birheng Maria (mababasa natin ito sa Litanya sa Mahal na Birheng Maria). Hindi lingid sa atin na siya ang may pinaka-malaking bahagi sa buhay ni Kristo. Siya ang naging matibay na saksi sa buhay, paghihirap, kamatayan, at muling pagkabuhay ni Kristo. Nararapat lamang na maging tampok siyang bahagi ng Santacruzan, higit pa kay Reyna Elena. Kung kaya’t ang kanyang pinalamutihang karosa ang pinakahuli sa hanay ng prusisyon at ang mga awiting may kaugnayan sa Mahal na Birhen ang itinutugtog ng banda. Matapos ang Santacruzan, ang lahat ng sagala at ang kanilang mga konsorte, pati na ang ibang umilaw sa prusisyon ay nag-aalay ng bulaklak kay Maria. Matapos ang pag-aalay, inaawit ang “Salve Regina” (Aba Po Santa Mariang Hari), ang ikinakanta sa Mahal na Ina tuwing Flores de Mayo.
SANTACRUZAN
Ang Santacruzan ay isang nobena ng prusisyon bilang pagpapa-alala ng paghahanap ni Reyna Helena o Elena ng Banal na Krus. Ang malarelihiyosong kasaysayan ng Santacruzan ay nagsimula daang libong taon na ang nakalipas. Sinasabing si Constantine the Great ay nagkaroon ng isang panaginip na ang kanyang mga makakalaban sa digmaan ay kanyang malulupig sa ngalan ng Banal na Krus. At ito nga ang nangyari. Bukod dito kanya rin napagbinyagan ang kanyang mga kaaway na maging mga Kristiyano. At dahil sa mga pangyayaring ito ang kanyang inang si Reyna Elena ay nagkaroon ng adhikain na hanapin ang Banal na Krus noon 326 A.D. Sila ay lumisan ng Roma at naglakbay patungo sa Jerusalem upang hanapin ang nasabing krus. Ito ay gawa sa kahoy at pinaniwalaang siyang pinagpakuan kay Jesukristo. Nang ito ay kanilang matagpuan, kanila itong matagumpay na naiuwi sa Roma na siyang naging sentro ng kanilang emperyo. Ang nasabing reyna ay naging santa.
Ang Santacruzan ay naging tradisyon na sa mga Pilipino at bawat lugar sa ating bansa ay may ganitong pagdiriwang, Ang novena para sa karangalan ng Banal na Krus ang siyang pagpapasimula ng Santacruzan. Ang makulay na pagdiriwang ito ay pinangungunahan ng mga dalaga kabilang na ang kanilang mga eskorte. Sa prusisyon makikita natin ang iba’t-ibang karakter na inilalarawan ng mga dalaga. Bagama’t masasabing may pagka-moderno na ang pagdiriwang sa ating bansa, hindi maiaalis sa ating mga Pilipino ang masaya, makulay at makasaysayang pagdiriwang nito.
Pinaniniwalaang ang ilang bahagi ng Banal na Krus na kanyang natagpuan ay nakalagak sa simbahan ng Sta. Groce Gerusalemme sa Roma. Ang kanyang porphyry sarcophagus (ataul) ay matatagpuan sa Vatican Museum. Sinasabing si Queen Helen, sa kanyang paglalakbay sa Jerusalem, ay pumasok sa templo kasama ang obispong Macarius. Pinahukay nila ito at natagpuan nila ang tatlong magkakaibang krus. Upang magkaron ng katuparan ang kanilang misyon isang babae na malapit nang mamatay sa isang matinding karamdaman ang dinala sa kanila at isa sa mga krus na ito ay kanyang hinawakan at siya ay gumaling. Ang krus na nagpagaling sa babaeng may sakit ang pinaniwalaan nilang krus na kanilang hinahanap. Natagpuan rin dito ang mga pakong ginamit sa Panginoon. Sa lugar na ito kung saan natagpuan ang Banal na Krus ay nagpatayo si Reyna Elena ng isang simbahan at tinawag itong “ Church of the Holy Sepulchre “ na magpahanggang ngayon ay makikita sa Jerusalem. At nagpatayo pa siya ng iba pang mga simbahan sa lugar na pinagkatagpuan niya ng Banal na Krus.
Ang mga Karakter sa Santacruzan
A. Methuselah
May balbas, hukot at may edad na sakay ng isang animo kariton o kalesa na abala sa kanyang tinutustang buhangin. Isang paalala na lahat ng kinang ay magiging alikabok tulad ng kanyang ginagawa sa buhangin..
B. Reina Banderada
Nakasuot ng pulang saya bitbit ang bandilang hugis tatsulok. Inilirarawan niya ang pagdating ng Kristiyanismo sa bansa.
C. Aetas
Inilalarawan nila ang ating bansa bago dumating ang Kristiyanismo. Kinakatawan nila ang mga Pilipinong pagano.
D. Reyna Mora
Inilalarawan niya ang relihiyong Islam bago pa man dumating ang Kristiyanismo sa ating bansa.
E. Reina Fe
May dala siyang isang krus, sumasagisag sa Pananampalataya.
F. Reina Esperanza
May dala siyang angkla o anchor, sumasagisag sa Pag-asa.
G. Reina Caridad
May dalang isang pulang puso, sumasagisag para sa Pagkakawang-gawa.
H. Reina Abogada
Tagapagtanggol ng mahihirap at naapi. May suot na black graduation cap at gown at may bitbit na malaking aklat.
I. Reina Sentenciada
Inilalarawan niya ang mga taong inosente at nahatulan. Ang kanyang mga kamay ay nakatali at binabantayan ng dalawang Romanong sundalo.
J. Reina Justicia
Ang kanyang imahe ay tulad ng “salamin ng hustisya” o “mirror of justice”, bitbit ang isang timbangan at espada.
K. Reina Judith
Inilalarawan niya si Judith ng Pethulia na nagligtas sa kanyang siyudad sa mga Assyrians sa pamamagitan ng pagpugot ng ulo ni Holofernes. May dala siyang ng isang pugot na ulo ng isang lalake sa isang kamay at espada isa pang kamay.
L. Reina Sheba
Inilalarawan niya si Reyna Sheba ang reynang bumisita kay at namangha sa karunungan, kapangyarihan at kayamanan ni Haring Solomon. May dala siyang sisidlan ng mga alahas.
M. Reina Esther
Mula sa Bibliya, si Esther ang nagligtas sa kanyang mga kababayan mula sa kamatayan sa kamay ni Mordecai. May dala siyang setro.
N. Samaritana
Ayon sa kuwento sa Bibliya, siya ang nakipag-usap kay Jesus sa tabi ng balon. May dala siyang tapayan sa kanyang balikat.
O. Veronica
Siya ang nagpunas sa mukha ni Jesus nang ang Panginoon ay papuntang Kalbaryo. Ang dalagang sumasagisag kay Veronica ay may dalang tela na may nakalalarawang tatlong mukha ni Kristo.
P. Tres Marias
Maria ng Magdala - May dalang pabango
Maria ina ni Kristo - dala ang isang panyo
Maria ina ni Santiago – dala ang isang sisidlan ng langis.
Q. Marian
Sumasagisag ng iba’t-ibang katawagan kay Maria
Divina Pastora ( Divine Shepherdess ) -May dalang tungkod ng isang pastol
Reina de las Estrellas (Queen of Stars) – May dalang isang baston na may bituin.
Rosa Mystica –May dala siyang isang kumpol ng mga bulaklak
Reina de la Paz – (Queen of Peace ) – May dala siyang setro; sinisimbolo niya ang kapayapaan.
Reina de las Profetas – May dala siyang isang hour glass
Reina de las Virgenes – May dala siyang isang rosaryo at may dalawang batang anghel sa kanyang tabi.
Reina del Cielo – May dala rin siyang bulaklak at may dalawang anghel sa kanyang tabi
Reina Flores – Bulaklak rin ang kanyang dala.
R. Reina Elena
Sinisimbulo niya si Reyna Elena kasama ang kanyang anak sa paghahanap ng Banal na Krus. Siya ay may dalang krus at kasama kalimitan ang isang batang lalakeng lumalarawan kay Constantine the Great. Ang kanyang arko ay napapalibutan ng iba’t-ibang uri ng magagandang bulaklak.
( Text and Photos: PATTY DE LA ROSA - PAAT )
1 comment:
11Bet Sportsbook Review & Betting Offers in Ghana (2021)
10bet has all the information you need to set up fun88 soikeotot a sportsbook. All you have to bk8 do is sign up for our account and make a first deposit and make a 11bet deposit using the welcome
Post a Comment